Ang mga nagtataguyod ng aral na si Cristo’y Diyos ay ginagamit ang talatang ito para patunayan na tama at may batayan ang kanilang paniniwala tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo. Patutunayan natin sa ating gagawing pagsusuri na mali ang kanilang pagkaunawa sa talatang ito. Paano ba isinalin sa Dating Salin ng Biblia ang Filipos 2:6 at sa salin ng Biblia na tinatawag na Magandang Balita?
“Na siya, bagama’t nasa anyong Dios.” (DS)
“Na bagamat siya’y Diyos,” (MB)
Tamang salin ba ang pagkakasalin ng talatang ito sa Magandang Balita? Hindi, maling salin ito, ang tamang salin ay ang nasa Dating Salin ng Biblia. Tandaan nating mabuti na ang Bagong Tipan ay nasulat sa wikang Griyego. Ano ba ang pagkakasulat ng talatang ito sa Greek New Testament?
os en morphe theou uparchon ouch arpagmon egesato to einai isa theo)
Paano ba isinalin ng mga karamihang translators sa English ang talatang ito?
Sa NKJV at iba pa ay “who, being in the form of God, did not consider it robbery to be equal with God,”
Ano ba ang katumbas sa Griyego ng terminong “form” na sa Filipino ay “anyo”? Sa Greek ay MORPHE. Tatlong beses lang ginamit ang terminong ‘yan sa Greek New Testament na pawang ginamit upang tumukoy sa ating Panginoong JesuCristo, Mark 16:12, Filipos 2:6 at 7.
Ano ang pakahulugang ibinigay ng mga Greek lexicographers sa terminong MORPHE?
Ayon kay Vine, “denotes the special or characteristic form or feature of a person or thing” (Vine’s, p. 251)
Ayon naman kay Persbacher ay “form”
At ayon kay Strong’s ay “shape, fig. nature – form
Ano ang kahulugan ayon sa ilang mga Greek grammarians ng terminong MORPHE THEOU?
Ayon pa rin kay Vine ay “Thus in the passage before us morphē Theou is the Divine nature actually and inseparably subsisting in the Person of Christ” (Vine’s, p. 251). Filipino translation: Kaya sa talatang nakalatag sa atin ang morphē Theou ay nangangahulugang ang banal na kalikasan na aktuwal na nananatili at hindi maihihiwalay sa katauhan ni Cristo.”
Kaya sa saling international English Bible ay ganito ang pagkakasalin:
“Though Christ was divine by nature,” Filipino translation: “Bagama’t si Cristo ay banal sa kalikasan.”
Kaya, sa kanilang pagkakaunawa, ang pagiging banal ni Cristo sa kalikasan ay ang pagiging anyong Diyos niya.
Sinasang-ayunan ba ng mga Greek grammarians na ang terminong MORPHE ay katangian ang kahulugan?
Ayon kay Abbott-Smith, ay ganito ang ibinigay niyang pakahulugan sa kaniyang aklat na A Manual Greek Lexicon of the New Testament, p. 296:
MORPHE, form, shape, appearance; in philos. lang. the specific character.
Filipino: anyo, hugis, kaanyuan, sa wikang ginagamit sa pilosopia, isang tiyak na katangian.
Ayon sa Greek dictionary, ang isa sa kahulugan ng terminong MORPHE ay “form” o “shape” Ang tunay na Diyos ba ay may physical na ANYO o PORMANG PISIKAL? Wala, dahil sa ang tunay na Diyos ay WALANG PISIKAL NA ANYO o WALANG PORMANG PISIKAL at iyan ang pinatutunayan ni Moises sa Deut. 4:12:
“At ang Panginoo’y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni’t wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig.”
Bakit ang tunay na Diyos ay walang anyong pisikal o PORMANG PISIKAL? Sapagkat ang tunay na Diyos ay Espiritu ayon kay Cristo sa Juan 4:24: “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.” – na ang kahulugan nito ay “walang laman at mga buto” ayon sa Lukas 24:39.
Ano pa ang pagkaunawa ng mga nagsuri ng terminong MORPHE? Ang MORPHE ay kasingkahulugan ng LARAWAN ayon kay James Dunn sa kaniyang aklat na Christology in the Making: An Inquiry into the Origins of the Doctrine of the Incarnation, sa page 115 ay ganito ang sinasabi niya:
“… it has long been recognized that morphē (form) and eikōn (image) are near synonyms and that in Hebrew thought the visible form of God is his glory.” “…
Filipino translation:
“ … malaon nang kinikilala ang morphe (anyo) at ang eikon (larawan) ay magkasingkahulugan at sa kaisipang Hebreo ang nakikitang anyo ng Diyos ay ang Kaniyang kaluwalhatian.”
“ … malaon nang kinikilala ang morphe (anyo) at ang eikon (larawan) ay magkasingkahulugan at sa kaisipang Hebreo ang nakikitang anyo ng Diyos ay ang Kaniyang kaluwalhatian.”
Sino pa ang nagpapatotoo na ang terminong MORPHE ay kasingkahulugan ng terminong EIKON? Ayon sa aklat na Vine’s Complete Expository Dictionary of Old and New Testament Words: sa page 319 ay ganito ang sinasabi:
“IMAGE 1. eikōn (1504), As to synonymous words, morphē is ‘the form, as indicative of the inner being.’”
Filipino translation:
LARAWAN 1. eikōn (1504), Sa mga salitang kasingkahulugan nito, morphē ang ay “ang anyo, na tumutukoy sa kalagayang panloob.”
LARAWAN 1. eikōn (1504), Sa mga salitang kasingkahulugan nito, morphē ang ay “ang anyo, na tumutukoy sa kalagayang panloob.”
Pinatotohanan ba maging ng mga bible commentators na ang terminong MORPHE ay kasingkahulugan ng terminong EIKON? Ayon sa aklat na The Layman’s Bible Commentary, by Archibald M. Hunter, sa pages 94-95 ay ganito ang sinasabi:
“The ‘form’ is the ‘likeness’ of God (Gen. 1:26). It is a synonym for another Greek word meaning ‘image’ or ‘likeness,’ and both represent the Hebrew used in Genesis.
Filipino translation:
Ang anyo ay ang wangis ng Diyos (Gen. 1:26). Ito ay kasingkahulugan ng isa pang terminong Griyego na ang kahulugan ay “larawan” o “wangis” at kapuwa kumakatawan sa wikang Hebreo na ginamit sa Genesis.
May binabanggit ba sa Biblia na si Cristo ay “image of God” o larawan ng Diyos, kasingkahulugan na Siya ay nasa anyong Diyos? Mayroon, sa 2 Corinto 4:4 ay ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo.
4 Na binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios.
Hindi ba ito ang katunayan na si Cristo ay tunay na Diyos dahil sa Siya ay larawan ng Diyos? Hindi ito magagamit na batayan dahil sa ang tao ay nilalang ayon sa larawan ng Diyos (Genesis 1:26-27).
26 At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. 27 At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.
Kapag tinanggap natin ang kanilang paliwanag na si Cristo ay tunay na Diyos dahil sa Siya ay larawan ng Diyos, lalabas na LAHAT ng tao ay tunay na Diyos na rin dahil sa lahat ng tao ay nilalang sa larawan ng Diyos!
Sa ano ba kalarawan ng tao ang Diyos? Di ba ang sabi ng Biblia ay walang pisikal na anyo ang Diyos sapagkat Siya ay isang Espiritu? Tama, ang Diyos ay walang pisikal na anyo pero may katangian ang Diyos na sa sentidong ito Niya kalarawan ang tao at ang ating Panginoong JesuCristo. Sa I Pedro 1:15-16, ay ganito ang sinasabi:
15 Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; 16Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal.
Sa pagiging banal kalarawan ng Diyos ang tao at ang ating Panginoong Jesucristo. Kaya maging noong una pa man, ano ang nais ng Diyos na maging katangian ng tao na Kaniyang nilalang? Maging mga banal at walang dungis sa pag-ibig ayon sa Efeso 1:4.
4 Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:
Namalagi ba ang mga taong nilalang ng Diyos sa ganitong katangian – banal at umiibig? Hindi, ayon sa Biblia ay lahat ay nangagkasala nga at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios (Rom. 3:23):
23 Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios;
Sino lamang ang nakaabot ng katangiang ito ng Dios – sa pagiging banal? Ang ating Panginoong JesuCristo sapagka’t hindi Siya nagkasala (I Ped. 2:21-22).
21Sapagka't sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang niya: 22Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig:
Bukod dito, si Cristo ay nagpakita ng katangiang tunay na umiibig sa Diyos. Paano ba ang tunay na pag-ibig sa Diyos ayon sa Biblia? Sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos ayon sa I Juan 5:3 MB:
3 sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos,
Ano ang ginawa ni Cristo na nagpapatunay na Siya nga ay tunay na umiibig sa Diyos kaya tinaglay Niya ang katangian na banal at umiibig? Si Cristo ay nagpakumbaba at nagmasunurin sa Diyos hanggang sa kamatayan ayon sa Filip. 2:8:
8 At palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.
Ano ang ginawa kay Cristo dahil sa Siya ay nagpakumbaba at nagmasunurin sa Diyos hanggang sa kamatayan? Si Cristo ay pinadakila ng Diyos ayon sa Filip. 2:9-11:
9 Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; 10 Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, 11 At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.
Tandaan nating mabuti na si Cristo ay pinadakila ng Diyos. Iba ang nagpadakila kaysa pinadakila. Tandaan din natin na binanggit sa aklat ni James Dunn na ayon sa kaisipang Hebreo, ang nakikitang anyo ng Diyos ay ang Kaniyang kaluwalhatian. Sa Biblia ba ay binabanggit kung sino ang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos?
Ang Anak o si Cristo ang Siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Diyos ayon sa Hebreo 1:2-3.
2 Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan; 3 Palibhasa'y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, may lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan;
Si Cristo ay ang Sinag at Larawan ng Diyos kaya sinasabi sa Filip. 2:6 na Siya ay nasa anyong Diyos. Hindi ba ito ay katunayan na si Cristo ay tunay na Diyos dahil sa Siya ay ang maningning na sinag ng kaluwalhatian ng Diyos? Hindi pa rin mapagbabatayan na si Cristo ay tunay na Diyos kahit na Siya ay sinag ng kaluwalhatian ng Diyos sapagkat ang lalake man ay hindi lamang larawan kundi kaluwalhatian din ng Diyos ayon sa Biblia. Ganito ang pahayag sa 1 Corinto11:7 (DS).
7 Sapagka't katotohanang ang lalake ay hindi dapat maglambong sa kaniyang ulo, palibhasa'y larawan siya at kaluwalhatian ng Dios: nguni't ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalake.
Ang lalake ba ay Diyos din dahil sa siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos?
Ano pa ang dahilan kaya si Cristo ay nasa anyong Diyos? Sapagkat Siya ay pinahiran o pinagkalooban ng kapangyarihan ayon sa Gawa 10:38 (DS at MB)
38 Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios.
38 Ang sinasabi ko'y tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang Hinirang. Sapagkat sumasakanya ang Diyos, saanman siya pumaroon ay gumagawa siya ng kabutihan at nagpapagaling sa lahat ng pinahihirapan ng diyablo.
Nangangahulugan ba na si Cristo ay tunay na Diyos na dahil sa pinagkalooban ng kapangyarihan? Hindi, dahil sa ang Anak ay paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos ayon sa I Cor. 15:27-28 MB.
27 Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: "Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos." (Ngunit sa salitang "lahat ng bagay," maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.) 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.
Kaya hindi sila magkapantay ng Ama kung ang pag-uusapan ay kapangyarihang taglay ng bawat isa. Inamin ba ni Cristo na hindi nga Niya kapantay ang Diyos? Oo, ang sabi Niya ay “Ang Ama ay higit na dakila kaysa akin” (Juan 14:28 NPV).
28 "Narinig ninyong sinabi ko, 'Aalis ako ngunit babalikan ko kayo.' Kung iniibig ninyo ako, magagalak kayo sa pagpunta ko sa Ama, pagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.
Ano ang samang ibubunga kapag ginamit na batayan sa pagtuturong si Cristo ay Diyos ang saling MB ng Filip. 2:6? Ayon din sa saling ito, “Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,” si Cristo daw ay kapantay ng Diyos. Kapag ginamit ang saling ito ay magkakaroon ng kontradiksyon ang talatang ito sa iba pang mga talata ng Biblia!
Anong mga aral ng Biblia ang sasalungatin ng saling ito ng Filip. 2:6 na kapantay ni Cristo ang Diyos? Ang aral na nakasulat sa Isaias 46:5, 9 NPV na ang tunay na Diyos ay walang kapantay at walang katulad. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan:
5 "Kanino ninyo ako itutulad o kanino ninyo ipapantay? Kanino ninyo ako ihahambing? 9Alalahanin ninyo ang mga dating bagay, mga bagay noong unang panahon. Ako ang Dios, at wala nang iba pa. Ako ang Dios at walang ibang tulad ko.
Paano isinalin ng mga translators ng Magandang Balita ang Isaias 46:5?
Sinabi ni Yahweh, "Saan ninyo ako itutulad? Mayroon bang makapapantay sa akin?
Kaya ang tunay na Diyos ay walang kapantay sa pagiging tunay na Diyos! Kaya maling salin ang nasa MB na si Cristo ay kapantay ng Diyos. Kaya alin ang tamang salin ng Filipos 2:6? Karamihan ng mga salin sa English at Filipino ay “in the form of God” o “nasa anyong Diyos.”
6 Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios.
Dahil sa si Cristo lamang ang nakapantay sa Diyos sa pagiging banal at umiibig kaya Siya ay nasa anyong Diyos, papaano muling mababalik ang tao sa katangiang ito na hindi niya naabot dahil sa nagkasala ang lahat?
Ayon sa Biblia, kailangan na ang tao ay maging katulad ng larawan ni Cristo ayon sa Roma 8:29.
29 Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid:
Paano magiging kalarawan ni Cristo ang tao sa kabanalan? Paano ba magiging banal ang taong nagkasala? Para ang tao ay maging banal, kailangan na siya ay matubos ng dugo ni Cristo ayon sa Efeso 1:4, 7 (DS):
Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:
Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,
Sino ba ang mga taong tinubos ng dugo ni Cristo na sila ang kalarawan ni Cristo sa kabanalan dahil sa pinatawad na ang mga kasalanan? Ang mga nasa Iglesia Ni Cristo ayon sa Gawa 20:28 (Salin sa Pilipino ng LAMSA Translation):
Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan, na dahil dito ay ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga tagapag-alaga, upang pakanin ang Iglesia Ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.
Paano mananatiling kalarawan ni Cristo sa kabanalan ang mga taong nag-Iglesia ni Cristo? Dapat makita ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katwiran at kabanalan ayon sa Efeso 4:21-24 MB:
21 kung talagang pinakinggan ninyo ang aral niya at naturuan kayo ng katotohanang na kay Jesus. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, na napapahamak dahil sa masasamang pita. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang dapat makita sa inyo'y ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan.
Dahil dito, ano ang tinamong karapatan ng mga taong nilinis ng dugo ni Cristo at ano ang biyayang nakalaan para sa kanila? Ang karapatang maglingkod at ang mana na walang hanggan ayon sa Hebreo 9:14-15 (NPV):
14 Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog sa Dios ang kanyang sarili na walang kapintasan, upang malinis ang ating budhi mula sa gawaing naghahatid sa kamatayan. Sa gayon, makapaglilingkod tayo sa buhay na Dios! 15 Dahil dito, si Cristo ang tagapamagitan sa isang bagong tipan upang ang mga tinawag ay tumanggap ng ipinangakong mana na walang hanggan ngayong namatay siya bilang pantubos sa mga taong nagkasala sa ilalim ng unang tipan.
Sino ba ang mga tinawag na tatanggap ng ipinangakong mana na walang hanggan? Ang mga tinawag upang maging isang katawan ayon sa Col. 3:15, MB:
15 At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi.
Alin ang katawan na doon naroroon ang mga tinawag ng Diyos? Ang Iglesia ang katawan ni Cristo ayon sa Col. 1:18, MB:
18 Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan . . .
Ano ang pangalan ng Iglesia na katawan ni Cristo? Ang Iglesia Ni Cristo ayon sa Roma 16:16, NPV:
16Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.
Para ang tao ay maging kalarawan ng Diyos, dapat ay nasa loob siya ng Iglesia Ni Cristo, patuloy siya na nagbabagong-buhay at sumusunod sa utos ng Diyos. Sana, ang mga nakabasa ng artikulong ito ay tumugon sa tawag ng Diyos, na sila man ay makapag-Iglesia Ni Cristo para tamuhin nila ang walang hanggang pangako ng Diyos. (2023)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento