infolinks

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

ANG PAGBABAWAL BA UKOL SA PAGKAIN NG DUGO AY NAGPATULOY HANGGANG SA PANAHONG CRISTIANO?

Ang mga kumakain ng dugo o ng dinuguan ay gumagamit din ng mga talata ng Biblia para ipakitang may batayan din ang kanilang ginagawa. Ang dalawa sa mga talatang ito ay ang I Corinto 10:25 at Lucas 10:8. Tama ba ang kanilang pagkaunawa sa mga talatang ito? Mabuti ay suriin natin ang mga nilalaman ng mga talatang ito:
25 LAHAT ng ipinagbibili sa pamilihan ay KANIN NINYO, at huwag kayong magsipagtanong ng ano man dahilan sa budhi (1 Corinto 10:25).
8 At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo: (Lucas 10:8).
Hindi natin tinututulan ang mga nakasulat sa I Corinto 10:25 at Lucas 10:8. Ang tinututulan natin ay ang maling aplikasyon at pakahulugan sa mga talatang ito. Mapapansin na walang binabanggit sa mga talatang ito na may direktang tagubilin si Cristo at si Apostol Pablo na kanin ang dugo. May nabasa ba tayong terminong “dugo” sa mga talatang ginagamit nila? Wala.
Kaya ang mga gumagamit ng mga talatang ito ay nagdaragdag sa nakasulat na ito ay bawal ng Diyos ayon sa 1 Corinto 4:6 na ang tagubilin ni Apostol Pablo ay:
“ . . . huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat; upang ang sinoman sa inyo ay huwag magpalalo ang isa laban sa iba” (1 Corinto 4:6).
Ano ang tinutukoy ng salitang LAHAT sa banggit sa 1 Corinto 10:25 na “LAHAT ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo?” LAHAT NG IPINAGBIBILI NA PAGKAIN, sapagkat hindi naman lahat ng nabibili sa palengke ay pagkain!
Halimbawa, ang muriatic acid ay ipinagbibili din sa pamilihan pero pagkain ba ito? Hindi, ito ay lason. Kakainin mo ba o iinumin mo ba ang muriatic acid dahil sa ipinagbibili ito sa palengke? Ang totoo, kahit nga pagkain pa, pero kapag EXPIRED na o PANIS na ay hindi mo na rin kakainin dahil sa masisira ang tiyan mo, baka malason ka pa at baka madala ka pa sa hospital at kung hindi ka maagapan, gaya ng nangyari sa iba, ay baka mamatay ka pa! Kaya mag-ingat ka sa pagbili mo ng pagkain sa palengke, baka ang mabili mo ay PANIS. Tiyakin mo na talagang ang mabibili mo sa palengke upang kanin ay PAGKAIN.
ANG DUGO BA AY PAGKAIN?
Ang sagot ay HINDI. Ano ang katunayang ang DUGO ay HINDI pagkain? Ang sabi ng Diyos:
“Ngunit ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin” (Genesis 9:4).
Kung ang dugo ay pagkain, bakit hindi ito ipinakakain? Alin ang pagkain? Ang sabi ng Diyos ay ang mga ito ang makakain:
2 At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. 3 Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo (Genesis 9:2-3).
Ang dugo ba ay kasama sa mga ibinigay na pagkain? Sa kasunod na talata ay sinabi ng Diyos: Ngunit ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin (Genesis 9:4).
Kaya ang DUGO ay hindi ipinakakain kahit ito ay nakakain. Ang dugo ay hindi pagkain. Ano pa ang katunayang ang DUGO ay hindi pagkain, kahit na ito ay makakain? Iniutos din sa mga Israelita na:
“Kaya’t aking sinabi sa mga anak ni Israel, Sinoman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo” (Levitico 17:12).
Ano ang dapat na gawin sa dugo dahil sa ito ay hindi pagkain kahit na ito pa ay nakakain?
“Gayon ma'y makapapatay ka at makakakain ka ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa ng iyong kaluluwa, ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Dios na kaniyang ibinigay sa iyo: ang marumi at ang malinis ay makakakain niyaon, gaya ng maliit na usa, at gaya ng malaking usa. Huwag lamang ninyong kakanin ang dugo; iyong ibubuhos sa lupa na parang tubig (Deuteronomio 12:15-16).
Ang utos ay IBUHOS sa lupa, hindi sinabing "ibuhos mo sa kaserola, dagdagan mo ng bigas, bawang, paminta, sibuyas at iba pa, pagkatapos ay iluto mo at kanin."
Kaya nang nilabag ng mga Israelita ang utos ukol sa pagbabawal ng pagkain ng dugo, ano ang kanilang nagawa sa harap ng Diyos? Paglililo o pagtataksil (1 Samuel 14:32-33).
32 At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo. 33 Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.
Sa Bibliang isinalin ng mga scholars na Katoliko at Protestante, ang kahulugan ng “paglililo” ay “malaking kataksilan.”
33 May nagsumbong kay Saul na ang mga tao'y gumagawa ng malaking kasalanan kay Yahweh - kumakain ng karneng may dugo. "Ito'y isang malaking kataksilan! sigaw ni Saul” (Magandang Balita Biblia).
Kaya nagtataksil sa Diyos ang mga kumakain ng dugo!
Ano naman ang ginagawa ng mga kumakain ng dugo para huwag silang mapagbintangan na nagtataksil sa Diyos? BINABRASO, o PINILIPILIT o BINABALUKTOK ng mga kumakain ng dugo ang mga talatang Lucas 10:8 at I Corinto 10:25 para i-justify ang kanilang paggawa ng malaking kataksilan sa Diyos kapag sila ay kumakain ng dugo! Kahit wala silang nabasa sa mga talatang ito na maaari nang kanin ang dugo ay pilit nila itong pinangangatuwiranan.
Ang “burden of proof” ay nasa mga nagsasabing puede nang kainin ang dugo. Saang talata sa Biblia, letra por letra, na ipinag-utos ng Diyos na “kanin ang dugo”? Bakit ang nakikita natin, sa halip na ipag-utos na kanin ang dugo, ay puro pagbabawal ng pagkain nito ang siyang nababasa natin sa Biblia?
Kahit sa panahong Cristiano ay ipinagpatuloy ng Diyos ang pagbabawal ng pagkain ng dugo. Kaya, nang magkaroon ng usapin ang mga unang Cristiano ukol sa mga Gentil ay kasama sa mga iniutos sa mga mananampalatayang Gentil na:
19 Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios; 20 Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo. 28 Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: 29 Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo (Gawa 15:19-20, 28-29).
Paano nila pinipilipit ang utos na magsilayo o magsi-ilag sa dugo para palitawin na maaari na raw kainin ang dugo? Ganito ang naging paliwanag nila:
Ayon po sa Strong's Greek Dictionary, ang ibig sabihin ng "Apechomai" ay 1) to hold one's self off 2) refrain 3) abstain, Sa tagalog ay 1) PIGILAN ANG SARILI 2) TUMIGIL MUNA 3) UMIWAS, Kaya pasensya na po hindi po "Bawal" ang nakasulat doon.
Ang ibinigay niyang meaning ng “abstain” sa Tagalog ay “umiwas” kaya hindi raw “bawal” ang nakasulat sa talata. Ang kaniyang conclusion: hindi bawal ang pagkain ng dugo. Really? Sundan natin ang kaniyang argumento:
Ang terminong “magsiilag” sa talatang 20 ay “abstain” sa Bibliang English. Hindi tayo tutol na ang isa sa kahulugan ng APECHOMAI, na siyang root word ng terminong Greek na APECHESTAI (“they abstain”) ay ABSTAIN, subalit tama ba ang kaniyang pagkaunawa ukol sa kahulugan ng pag-“abstain” o “pag-iwas”?
Abstain means “to refrain deliberately and often with an effort of self-denial from an action of practice” (Webster’s Dictionary).
Kapag sinabing “abstain” o “umiwas” ay may kasamang “self-denial from an action or practice.” Kapag sinabing “abstain from drinking” – hindi ka iinom (ng alak), kapag sinabing “abstain from meat” – hindi ka kakain ng karne.
Kaya ang mga kaibigan nating Katoliko, kapag Biyernes Santo, ay hindi kumakain ng karne dahil ang ikalawang utos ng Iglesia Katolika ay “abstain from meat.” Kaya kapag sinabing “umiwas” ka sa karne, ay “huwag kang kakain ng karne.”
On the side note, ang nakakatawag ng pansin dito ay ang ipinagagawa ng mga paring Katoliko sa kanilang mga kaanib, na kung ano ang utos ng Diyos ay siya namang nilalabag. Ang utos ng Diyos ay maliwanag: “makakakain ka ng karne” at “huwag lamang ninyong kakanin ang dugo” (Deuteronomio 12:15-16). Binaligtad ito ng mga tagapagturong Katoliko. Kapag Biyernes Santo, ang utos sa mga Katoliko ay “huwag kang kumain ng karne” at “ang kainin mo ay ang dugo.” Baligtad ang ginagawa nila, kinokontra nila ang Diyos!
Kaya ipinag-utos ni Apostol Santiago sa mga Hentil na nag-Iglesia ni Cristo na huwag silang kumain ng dugo. Kaya, Hentil man o Hudyo, basta Iglesia Ni Cristo, ay bawal ang pagkain ng dugo.
Ano ang katunayang ang mga Hentil sa panahon ng mga apostol ay mga Iglesia Ni Cristo at hindi sila Katoliko? Ang sabi ni Apostol Pablo ay:
“At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus” (Efeso 3:6 MB).
Pansinin na ang mga Hentil, kasama ng mga Judio, ay “mga bahagi rin ng iisang katawan.” Alin ang iisang katawan? Ayon sa Colosas 1:18, ang Iglesia ay katawan ni Cristo na si Cristo ang Pangulo. Kaya, nang binati ni Apostol Pablo ang mga kapatid na mga Hentil, ano ang pangalan ng Iglesiang kinabibilangan nila? Ganito ang kaniyang pahayag sa Roma 16:16 MB:
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Ang mga sinulatan ni Apostol Pablo na mga taga-Roma ay mga Gentil (Roma 11:13) na mga tinawag ng Diyos (Roma 9:24) sa Iglesia (Colosas 3:15; 1:18) sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo (2 Tesalonica 2:14), kaya ang mga Cristiano na taga Roma sa panahon ng mga apostol ay mga Iglesia Ni Cristo at hindi mga Katoliko gaya ng paniniwala ng iba.
Sa kabilang dako, ang terminong katholikos ay isang Greek term na ang kahulugan ay “universal.” Hindi mula sa Biblia ang pangalang ito kungdi ito ay inimbento ni Ignacio, isang Obispo sa Antioquia (Syria), noong 110 A.D. (matagal nang patay ang mga apostol, tapos na ring nasulat ang Biblia). Ang mga nagpapakilalang Cristiano noon pagkatapos ng panahon ng mga apostol ay tinawag na mga Katoliko.
Bakit kaya puede sa mga kaibigan nating Katoliko ang pagkain ng dugo samantalang ipinagbabawal ito ng Diyos? Ano ang sinasabi ng mga Catholic scholars ukol sa pagbabawal ng pagkain ng dugo? Ayon sa mga Catholic translators ng Douay-Rheim, sa footnote ng Acts 15:29 ay ganito ang kanilang paliwanag:
But this prohibition was but temporary, and has long since ceased to oblige; more especially in the western churches.Ano ba ang mga western churches?
WESTERN CHURCH
1. (Roman Catholic Church) the part of Christendom that derives its liturgy, discipline, and traditions principally from the patriarchate of Rome.
2. (Roman Catholic Church) the Roman Catholic Church, sometimes together with the Anglican Communion of Churches (thefreedictionary.com).
Ang Iglesia Katolika sa Pilipinas ay bahagi ng Roman Catholic Church na bahagi ng Western Churches. Sila pala ang nagpatigil ng pagbabawal ng pagkain ng dugo. Subalit sa Biblia ay wala tayong mababasa na ipinatigil ng mga Apostol ang pagbabawal ng pagkain ng dugo.
Hindi ba totoo na pinayagan na ng Diyos na kanin ang dugo ayon sa Gawa 10:10-16?
10At siya'y nagutom at nagnais kumain: datapuwa't samantalang nangaghahanda sila, ay nawalan siya ng diwa; 11At nakita niyang bukas ang langit, at may isang sisidlang, bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok na bumababa sa lupa: 12Na doo'y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga nagsisigapang sa lupa at ang mga ibon sa langit. 13At dumating sa kaniya ang isang tinig, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain. 14Datapuwa't sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagka't kailan ma'y hindi ako kumain ng anomang bagay na marumi at karumaldumal. 15At muling dumating sa kaniya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi. 16At ito'y nangyaring makaitlo: at pagdaka'y binatak sa langit ang sisidlan.
Ang nasa Gawa Kapitulo 10:10-16 ay hindi dugo ang pinag-uusapan kungdi ang mga hayop, ang mga nagsisigapang at ang mga ibon na itinuturing noon na marumi kaya ayaw kainin ni Apostol Pedro. Ang sabi ng Diyos ay: “ang nilinis ay huwag mong ipalagay na marumi.”
Pansinin na ang tinutulan ni Apostol Pedro ay ang pagkain ng mga hayop, ng mga gumagapang at ng mga ibon, na marumi. Hindi ang tinututulan niya ay ang pagkain ng dugo. Ang mga hayop na noon ay marumi ay nilinis na ng Diyos kaya maaari nang kainin. Walang sinabi ang Diyos kay Apostol Pedro na maaari na niyang kanin ang dugo.
Ano ang katunayang ipinagpatuloy ng Diyos ang pagbabawal ng pagkain ng dugo sa panahong Christiano? Pansinin ang ibinigay ni Apostol Santiago na tagubilin sa harap nina Apostol Pedro, Pablo, Bernabe at mga matatanda sa Iglesia ukol sa mga Gentil :
“Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo.”
Tandaan na kasama si Apostol Pablo sa mga bumalik sa mga Gentil sa Antioquia para basahin ang sulat na ipinadala sa kanila ni Apostol Santiago. Nang sila ay nasa Antioquia na ay binasa nila ang sulat sa harap ng mga Gentil at ito ay ikinagalak nila (Gawa 15:30-31).
Si Apostol Pablo mismo ang nagbilin sa Gawa 21:25 na “Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid.”
Kaya, ang ibinilin ni Apostol Pablo sa mga Gentil sa Corinto na “LAHAT ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo,” ang tinutukoy niya ay ang lahat ng mga pagkain, na alam nating hindi kasama dito ang dugo. Alam niyang ipinagbawal sa mga Gentil ang pagkain ng dugo at siya mismo ang nagtagubilin sa kanila ukol dito kaya hindi siya ang unang kokontra sa kaniyang sarili. Hindi si Apostol Pablo ang uri ng ministro na susuway sa utos na ito ng Diyos para sa lahat ng mga tao lalo na sa mga Iglesia Ni Cristo.
Kaya hindi tayo nagtataka kung ang mga kaibigan nating mga Katoliko ay kumakain ng dugo dahil sa ang karamihan ay hindi naman nila nalalaman o nauunawaan na ito ay ipinagbabawal ng Diyos. Sikapin natin silang maanyayahan na dumalo sa ating International Evangelical Mission sa Septenmber 26, 2015 upang magkaroon sila ng pagkakataon na marinig ang mga dalisay na aral ng Diyos na ituturo ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na EDUARDO V. MANALO. Nawa ay patuloy tayong tulungan ng Diyos para lalong magningning ang Kaniyang katuwiran sapagkat Siya ang may nais na lahat ng mga tao ay makaalam ng katotohanan at maligtas (1 Timoteo 2:3-4). (2023)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento