infolinks

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

MALILIGTAS BA ANG MGA NATIWALAG SA IGLESIA NI CRISTO? ANO NAMAN ANG MANGYAYARI SA MGA KUSANG LUMABAS O ITINIWALAG ANG SARILI?

(c) Bro. Jose Ventilacion
Kamakailan ay may mga natiwalag sa Iglesia na ang paniniwala ay maliligtas din sila sa kaparusahan pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang akala naman ng iba ay maliligtas din sila dahil sa hindi naman daw sila itiniwalag kungdi kusa silang tumiwalag. Gayunman, ang mga itiniwalag at kusang tumiwalag ay pareho ang kalagayan: nasa labas sila ng tunay na Iglesia. May kaligtasan ba sa mga nasa labas? Ano naman ang sinasabi ng Biblia sa mga nasa labas ng Iglesia?
Ayon sa 1 Corinto 5:13, ibinilin ng Diyos sa Pamamahala ng Iglesia na “alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao” (DS). Ang katumbas ng “alisin” ay “itiwalag” ayon sa saling MB.
Ikinakatuwiran ng mga itiniwalag na hindi raw sila kabilang sa “masasamang tao” dahil para daw sa ikabubuti ng Iglesia ang kanilang layunin at ipinakikipaglaban o itinataguyod. Subalit alam naman natin na kahit ano pa ang kanilang ikinakatuwiran – na hindi sila masama – kaya sila itiniwalag ay mayroon silang ginawang masama. Ititiwalag ba sila sa Iglesia kung tama ang kanilang ginawa? Mali ba ang ginawa ng Pamamahala na sila ay alisin sa kalipunan ng mga matuwid? Tama ba ang kanilang ginawa?
Ang paghihimagsik ba laban sa Pamamahala ay mabuti o masama? Mabuti ba ang paghahasik ng pagkakabaha-bahagi? Mabuti bang gawa ang paninirang-puri sa mga ministro at mga manggagawa? Mabuting gawa ba ang paghikayat sa mga kapatid na huwag na silang sumamba o kaya ay huwag nang mag-abuloy? Mabuti bang gawa ang sabihin sa mga kapatid na huwag na silang tumulong sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos
Ang mga nahulog sa mga kasalanang binanggit ko sa itaas ang dahilan kaya sila ay natiwalag sa Iglesia. Kaya, bagamat naghuhugas sila ng kamay at nangangatuwiran na “mabuti” daw ang kanilang ginawa, ang mga natiwalag ayon sa Biblia ay hindi mga mabubuting tao kungdi mga “masamang kasamahan” (1 Corinto 5:13 NPV).
Ayon din sa talatang ito, ang mga nasa labas ay may hatol. Ano ang hatol sa mga nasa labas ayon kay Cristo? Ang mga hindi nanatili ay masusunog sa apoy (Juan 15:6). Kailan? Sa Araw ng Paghuhukom ayon sa 2 Pedro 3:7, 10.
Ang ikinakatuwiran naman ng iba ay: “tao lang ang nagtiwalag sa amin, hindi ang Diyos, kaya maliligtas pa rin kami.” Dahil ba sa ang Pamamahala na nagtiwalag sa kanila ay tao, nangangahulugan nang hindi sila itiniwalag ng Diyos? Paano ba nagtitiwalag ang Diyos ng mga masasama? Siya ba mismo ang mananaog sa lupa para sabihin ng personal sa mga masasama na sila ay itinitiwalag?
Sa panahon ng unang Iglesia, sino ba ang nag-utos na ang bilin niya ay “itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo”? Diyos ba ang nagsalita sa talatang ito o tao lang? Ang sumulat ng talatang ito ay si Apostol Pablo. Siya ay tao. Subalit siya ba ang nag-utos ng isinulat niya?
Ang sabi pa niya ay “Ganito ang sabi ng Kasulatan.” Samakatuwid, ang utos na ito ay may pinanggalingang kasulatan. Aling kasulatan ang sinipi ni Apostol Pablo? Ang utos ng Diyos sa pamamagitan ni Moises na nakasulat sa Deuteronomio 17:7 (NPV), na ganito ang sinasabi:
“DAPAT ALISIN SA KALIPUNAN NINYO ANG MGA TAONG MASASAMA.”
Kaya, ang isinulat ni Apostol Pablo na “ALISIN NGA NINYO SA INYO ANG MASAMANG TAO.” (1 Corinto 5:13 DS) o "ITIWALAG NINYO ANG MASAMANG KASAMAHAN NINYO" (1 Corinto 5:13 MB) ay utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia sa panahon pa lamang ni Moises.
Sino ang kinasangkapan ng Diyos noong una para matupad ang utos Niya na ALISIN o ITIWALAG ang mga masasamang tao sa bayan Niya? Ganito ang sinasabi ng Kasulatan sa Bilang 16:23-27 NPV:
23 Sinabi ng PANGINOON kay MOISES. 24 “Sabihin mo sa kapulungang lumayo kina Core, Datan at Abiram.” 25 Pinuntahan ni Moses sina Datan at Abiram. Sumunod sa kanya ang matatanda sa Israel. 26 Sinabi niya sa kapulungan, “lumayo kayo sa tolda ng mga suwail na ito! Huwag ninyong sasalingin man lang ang anumang ari-arian nila pagkat pati kayo’y malilipol dahil sa kanilang mga kasalanan.” 27 Lumayo nga sila sa tolda ni Core, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pintuan ng kani-kaniyang tolda, kasama ng kani-kanilang asawa’t mga anak.
Ang Panginoong Diyos ay inutusan si Moises kasama ang mga matatanda sa Israel. Sinabihan niya ang kapulungan na lumayo o humiwalay sa mga suwail na sina Core, Datan, at Abiram. Ang terminong SUWAIL sa NPV ay isinalin na MASASAMANG TAO (DS) o UBOD NG SASAMA (MB).
Kaya ang Diyos ang may utos ng pagtitiwalag at hindi ang tao. Kapag may itinitiwalag sa Iglesia ay maling isipin na tao lang ang nagtitiwalag. Ginagamit ng Diyos ang Pamamahala na inilagay Niya sa Iglesia upang ito ay isagawa. Ganiyan ang ginawa Niya noong una, ginamit ng Diyos ang taong si Moises para sabihin ang Kaniyang pasiya na humiwalay ang Kaniyang bayan sa mga suwail o masasamang tao, kaya ganito din ang ginagawa Niya ngayon sa Iglesia.
Kung ang lider noon ng bayang Israel ay si MOISES, ngayon naman ay si Kapatid na EDUARDO V. MANALO. Kung may mga kasamang MATATANDA si Moises, mayroon ding kasamang matatanda si Ka Eduardo na ang tawag ay SANGGUNIAN. Subalit tandan natin na hindi ang mga matatanda ang nagsalita sa kapulungan kungdi si Moises. Sa panahon naman natin, si Kapatid na Eduardo ang nagsalita sa pamamagitan ng circular letter o sulat niya sa lahat ng mga Iglesia Ni Cristo na itinitiwalag ang mga masasamang tao sa Iglesia. Iniutos din niya sa atin na humiwalay sa mga suwail batay sa utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia:
9 Hindi pinananahanan ng Diyos ang sinumang lumalabis sa halip na mananatili sa turo ni Cristo. Sinumang nanatili sa turo ay kinaroroonan ng Ama at ng Anak. 10 Huwag ninyong papapasukin o tatanggapin sa inyong bahay ang sinumang lumalapit na hindi ito ang dalang aral. 11 Sinumang magpatuloy sa kanya ay nakikihati sa kanyang masamang gawa (2 Juan 1:9-11 NPV).
Pinarusahan ng Diyos noon ang mga suwail o masasamang tao pagkatapos na sila ay mahiwalay sa kapulungan ng Israel. Bumuka ang lupa at nilamon ng lupa ang sambahayan ni Core at ang kaniyang mga pag-aari (Bilang 16:31-33). Bumaba ang apoy mula sa langit at sinunog ang 250 saserdote na nagsusunog ng kamangyan (talatang 35). Ano naman ang gagawin ng Diyos sa mga natiwalag sa panahon natin?
ANO ANG PARUSA SA MGA NATIWALAG?
Ayon din sa 1 Corinto 5:13, ang mga nasa labas ay may hatol. Ano ang hatol sa mga nasa labas ayon kay Cristo? Ang mga hindi nanatili ay masusunog sa apoy (Juan 15:6). Kailan? Sa Araw ng Paghuhukom ayon sa 2 Pedro 3:7, 10.
Sa mga natiwalag kamakailan, nais ba ninyong sapitin ang ganitong kapalaran? Kung nais ninyong maligtas, magbalikloob kayo sa Diyos. Magpilit kayong pumasok na muli sa loob ng Iglesia para kayo maalis sa kalagayang may hatol. Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paraang iniisip ninyo na maliligtas din ang nasa labas ng Iglesia. Wala kayong mababasa sa Biblia na kapag nasa labas ay may kaligtasan. Ang kailangan ay makabalik kayo sa loob ng Iglesia at matiyagang manatili hanggang sa wakas upang kayo ay maligtas (Mateo 24:13).
ANO NAMAN ANG KAPALARAN NG MGA NAGTIYAGA NA MANATILI SA IGLESIA NI CRISTO PAGDATING NG ARAW NG PAGHUHUKOM?
“Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat” (Daniel 12:1 ABAB).
Ang panahon ng kaguluhan ay ang Araw ng Panginoon o Araw ng Paghuhukom (Zefanias 1:14-18; 2 Pedro 3:7, 10). Ang bayan ng Diyos sa mga huling araw na ito o sa panahong malapit na ang wakas o sa “mga wakas ng lupa” ay ang Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas sa bisa ng mga hula at sa pagsusugo ng Diyos kay Kapatid na FELIX Y. MANALO (Isaias 62:11-12; 43:5-6; 41:9-10). Kaya ang mga nasa loob ng Iglesia Ni Cristo ang mga maliligtas at hindi ang mga nasa labas o natiwalag.
Sinong nasa bayan ng Diyos ang maliligtas? Sapat na bang nabautismuhan lang sa Iglesia Ni Cristo? Hindi. Ang mga maliligtas na Iglesia Ni Cristo ay ang mga kaanib na ang pangalan nila ay matatagpuang nakasulat sa aklat. Ito ang AKLAT NG BUHAY.
Burahin Ninyo ang pangalan nila sa Inyong Aklat ng Buhay; hindi sana sila masama sa mga matuwid (Awit 69:28, Buhay na Salita).
Itala mong lahat ang kanilang sala, Sa mangaliligtas, huwag silang isama (Awit 69:27 NPV).
Ang mga natiwalag sa Iglesia ay binura o inalis ang kanilang mga pangalan sa aklat ng buhay sa langit kaya hindi sila maliligtas. Ayon sa Biblia ay itatapon sa apoy ang hindi nakasulat sa aklat ng buhay (Apocalipsis 20:15). Ang Diyos mismo ang nag-aalis ng mga pangalan nila sa aklat (Exodus 32:31-33).
SA MGA NASA LOOB NA NG IGLESIA NI CRISTO, NAIS BA NINYONG MANATILING NAKATALA SA AKLAT NG BUHAY?
Ano ang isa sa mga gawaing nilalahukan ng mga masisiglang Iglesia Ni Cristo, na kapag nagpagal sa gawaing ito ay tinitiyak ng Biblia na maliligtas dahil ang kanilang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay? Basahin natin ang ipinahayag ni Apostol Pablo:
Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, na tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila’y nakasulat sa aklat ng buhay (Filipos 4:3 BMB).
Ang pagpapagal para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi isang kalugihan para sa mga tunay na Iglesia Ni Cristo sapagkat tiniyak sa Biblia na ang mga nagpagal sa gawaing ito, kasama ng mga ministro at mga manggagawa sa Iglesia Ni Cristo, ay tiyak na maliligtas dahil sa ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.
Ang mga natiwalag ay tiyak na hindi na sasama sa gawaing ito dahil sa wala naman silang pagkakilala na maliligtas ang mga papasok at mananatili sa Iglesia Ni Cristo hanggang sa wakas. Ang iba nga ay nang-uupat pa at sinasabi na nagsasayang lang tayo ng panahon kapag tayo ay sumasama sa mga gawain. Ang hindi nila alam ay ginagamit sila ng diablo upang hadlangan ang gawaing pagliligtas. Sino ba ang ayaw na ang tao ay maligtas? Di ba ang diablo? Papayag ba tayo, mga kapatid, na mahadlangan ng diablo?
Sa darating na September 26, 2015 ay isasagawa natin ang pambuong mundo na pagpapalaganap ng ebanghelyo na pangungunahan ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na EDUARDO V. MANALO. Makikipagkaisa ba kayo sa gawaing ito? Sana, tayong lahat ay tumugon sa panawagan ng Pamamahala na mag-anyaya ng maraming mga tao na makapakinig ng dalisay na aral ng Diyos upang sila ay makasama natin sa tunay na Iglesia at magtamo ng biyayang kaligtasan. (2023)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento