infolinks

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

ISANG IMPOSTOR O MAGDARAYA NA NAGPAKILALA BILANG ELIAS ANG LUMITAW NGAYON SA INTERNET! PANINIWALAAN BA NINYO SIYA?

isinulat ni: (c) Jose Ventilacion
Kung naalaala ninyo ang una kong posting sa aking Facebook account ay binanggit ko na ang mga natiwalag noon sa Iglesia ay nagtayo ng kanilang sariling grupo at nagturo ng mga aral na laban sa itinuro ng Kapatid na FELIX Y. MANALO, ang Sugo ng Diyos sa mga huling araw. Nagbigay din ako ng babala na maaari ding gawin ng mga natiwalag kamakailan ang ginawa ng mga natiwalag noon na magtuturo din sila ng kanilang sariling aral (maaari ding tawaging inimbentong kasinungalingan).
Nagkatotoo ang aking ipinagpaunang babala. Ang mga taong ito ay lumikha ng isang huwad na aral na nakita ko mismo sa kanilang Facebook account sa araw na ito, ika-21 ng Agusto, 2015. Gumawa sila ng isang nakapangingilabot na pag-aangkin na ang kanilang pinuno ay siyang katuparan ng mga hula sa Biblia ukol kay Elias na propeta.
Madaling angkinin ang isang bagay kung talagang ang nag-aangkin ang siyang tunay na may karapatan sa isang bagay na inaangkin. Madaling mapahiya ang isang “professional squatter” kung ang mismong “owner” o “may-ari” ang magpakita ng mga katibayan o ebidensiya na siya talaga ang lehitimong may-ari ng lupa. Halimbawa, may hawak siyang titulo na nakapangalan sa kaniya, may hawak siyang resibo na binabayaran niya ang buwis sa gobyerno at may mga testigo siya sa gobyerno na nagpapatunay na talagang siya ang may-ari ng lupa.
Sa kabilang dako, ang isang “impostor” o “usurpador” ay isang tao na dinadaya ang iba sa pamamagitan ng pagpapakunwari o pagbabalatkayo. Ang sabi nga sa English ay “pretending to be someone else or someone that assumes false identity.” Uso ngayon ang tinatawag na “identity thief” at ang isa dito ay ang taong nagpapakilala na siya ang katuparan ng Elias na hinuhulaan sa Biblia.
Ang tinutukoy ko ay ang tao na nagnakaw ng karapatan ni Juan Bautista at inangkin ang kaniyang pagkakakilanlan o “identity.” Ganito ang kaniyang pahayag mula sa kaniyang FB account sa wikang English na nilagyan ko ng Tagalog translation:
My beloved brethren, [Mga mahal na kapatid]
Before I go over the names of people God expelled from the Church of Christ (Iglesia Ni Cristo), by means of directly removing their names from the Book of Life in Heaven, please allow me to quickly introduce myself. [Bago ko puntahan ang mga pangalan ng mga tao na itiniwalag ng Diyos sa Iglesia Ni Cristo, sa pamamagitan ng tuwirang pagtanggal ng kanilang mga pangalan sa Aklat ng Buhay sa langit, hayaan ninyong ipakilala ko sandali kung sino ako]
I am God’s appointed servant, Elijah, mentioned in Malachi 4:5 and Matthew 17:10-11... [Ako ang inihalal ng Diyos na lingkod Niya, si Elias, na binabanggit sa Malakias 4:5 at Mateo 17:10-11 . . .]
But before the great and terrible day of the LORD comes, I will send you the prophet Elijah. (Malachi 4:5, Good News Translation) [Nguni’t bago dumating ang dakila at nakapangingilabot na araw ng Panginoon, isusugo Ko sa inyo ang propetang si Elias (Malakias 4:5)]
Then his disciples asked him, saying, Why then do the scribes say that Elijah must come first? And Jesus answered and said unto them, Elijah truly shall come first and restore all things. (Matthew 17:10-11, Jubilee Bible) [Pagkatapos ay tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nagsasabi, Kung ganoon, bakit sinasabi ng mga eskriba na si Elias ay dapat na dumating muna? At sinagot sila ni Jesus at sinabi sa kanila, tunay nga na si Elias ay darating muna at isasauli ang lahat ng mga bagay]
And I am also the “messenger” mentioned in Malachi 3:1-4 (Good News Translation)...[Ako rin ang “sugo” na binabanggit sa Malakias 3:1-4 MB]
Bakit natin natitiyak na ang impostor o magdarayang ito ay ninakaw ang pagkakakilanlan at karapatan ni Juan Bautista? Pansinin na inamin niya na siya raw ang katuparan ng Elias na binabanggit sa Mateo 17:10-11. Kapag itinuloy natin ang pagbasa ng mga kasunod na talata, sa mga talatang 12-13, maliwanag na ang tinutukoy ng ating Panginoong JesuCristo na Elias ay si Juan Bautista:
Mateo 17:10-13 MB
10 Tinanong siya ng mga alagad, "Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?" 11 Sumagot siya, "Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, ngunit hindi siya nakilala ng mga tao. At kanilang ginawa sa kanya ang gusto nila. Gayon din naman, pahihirapan nila ang Anak ng Tao." 13 At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy niya.
Tumigil na ba ang taong ito ng pangangamkam na hindi naman niya karapatan? Inaangkin niya na siya daw ang “Sugo” na hinuhulaan sa Malakias 3:1-4 MB. Uulitin ko ang kaniyang ipinahayag: Ako rin ang “sugo” na binabanggit sa Malakias 3:1-4.
Ganito ang binabanggit sa hula:
1 Narito, aking sinusugo ang aking sugo, at siya'y maghahanda, ng daan sa harap ko; at ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang paroroon sa kaniyang templo; at ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito, siya'y dumarating, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. 2 Nguni't sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito? at sino ang tatayo pagka siya'y pakikita? sapagka't siya'y parang apoy ng mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi: 3 At siya'y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak, at kaniyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kaniyang pakikinising parang ginto at pilak; at sila'y mangaghahandog sa Panginoon ng mga handog sa katuwiran. 4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugodlugod sa Panginoon, gaya ng mga araw nang una, at gaya ng mga taon nang una.
Sino ba ang “Sugo” na hinuhulaan sa mga talatang ito? Basahin natin ang pahayag mismo ng ating Panginoong JesuCristo kung sino ang kinatuparan ng hulang ito sa Mateo 11:8-11 MB:
8 Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! 9 Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. 10 Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: 'Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.' 11 Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa kanya.
Itinuro mismo ng ating Panginoong JesuCristo na si Juan Bautista ang katuparan ng hinuhulaang “Sugo” sa Malakias 3:1-4. Samakatuwid, sinasalungat mismo ng taong magdaraya ang itinuro ng ating Panginoong JesuCristo. Kaya, paniniwalaan ba ninyo ang taong ito na iniisip niya na siya si Elias? Baka iniisip din ng taong ito na siya si Juan Bautista na nabuhay na mag-uli. Baka darating ang panahon na ipakikilala niya ang sarili niya na siya na ngayon si Juan Bautista. Abangan ang susunod na kabanata.
Sino ang katuparan ng ELIAS na hinuhulaan sa MALAKIAS 4:5?
Sa panahon pa lamang ng Kapatid na FELIX Y. MANALO ay itinuro na niya na siya ang katuparan ng hulang ito. Mula rin sa panahon ng pamamahala ng Kapatid na ERAÑO G. MANALO at hanggang sa kasalukuyan, patuloy na itinuturo sa atin na ang Kapatid na FELIX Y. MANALO ang siyang katuparan ng Malakias 4:5. Sinuman na magpapakilalang siya ang katuparan ng hulang ito ay inaangkin at inaagaw ang karapatan ng Kapatid na FELIX Y. MANALO. Paniniwalaan ba ninyo ngayon ang nagpapanggap na Elias? Kahit na gumagamit pa siya ng Biblia ay ibang ebanghelyo naman ang ipinangangaral niya.
Ano ang tagubilin ng mga apostol kapag may pumarito na mangangaral ng ibang ebanghelyo, iba sa itinuro ng mga sugo ng Diyos?
8 Maging kami o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! (Galacia 1:8 MB).
Kahit pala anghel pa mula sa langit ang nangangaral pero ibang ebanghelyo naman ang ipinangangaral, hindi natin dapat na tanggapin bagkus ang bilin ay pakasumpain siya! Ayon sa Biblia, ang makapagtuturo ng tunay na aral ay ang mga sinugo ng Diyos. Mula pa noong una ay ganito na ang tagubilin ng Diyos:
7 Tungkulin ng mga saserdote na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa kanila dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ng Makapangyarihang si Yahweh (Malakias 2:7 MB).
Kaya patuloy nating itaguyod ang mga aral ng Diyos na itinuro sa atin ng Sugo, ang Kapatid na FELIX Y. MANALO at ng kasalukuyang Pamamahala, ang Kapatid na EDUARDO V. MANALO. Ano ba ang ibubunga kapag matiyaga nating iningatan ang mga aral ng Diyos na itinuro sa atin sa loob ng tunay na Iglesia?
1 Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan, 2 Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan (I Corinto 15:1-2).
Ang matiyaga nating pag-iingat at pagsunod sa mga aral na itinuturo sa atin ng Sugo at ng Pamamahala ay sa ating ikaliligtas. Huwag tayong pumayag na malinlang ng mga maling aral na ipinalalaganap ng mga natiwalag sa Iglesia sapagkat may sumpang nakalaan sa mga susunod sa kanila. Manatili tayo sa Iglesia Ni Cristo hanggang wakas upang tayo ay maligtas. (2023)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento